Tuesday, October 26, 2010

Ako ay Pilipino!


AKO AY PILIPINO!
 (Buwan ng Wika/Linggo ng Lahi 2010)
Ni: Isa Aragon

               Tuwing Agosto ay ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika sa Cradle of Joy. Ngayong taon, ang tema nito ay Ako ay Pilipino! (Wikang Filipino, Simbolo ng Lahi at Kulturang Pilipino). Ang huling linggo ng buwan na kilala rin sa tawag na Linggo ng Lahing Pilipino ay ginanap noong Agosto 25-28, 2010. 

Sinimulan ito sa isang parada. Ang aming klase ay nakabihis ng kasuotan ng mga sinaunang Pilipino. Pagkatapos ng parada ay binuksan namin ang aming silid-aralan na ginawang museo. Ang paksa nito ay tungkol sa pamumuhay ng mga Pilipino noong sinaunang panahon. Iba-iba ang ginawa namin dito. May sumulat ng sarili niyang kwento tungkol sa pagliligawan noon at ginawang comic strip. May nagturo ng pagsusulat ng pangalan gamit ang alibata, ang sinaunang alpabeto. May gumawa rin ng mga poster tungkol sa pamahalaang barangay at sultanato, pati na rin ang mga pagkain, gamit at kung paano nagkakalakalan noon. May gumawa rin ng kanta at tumugtog tungkol sa pagmamay-ari ng lupa. May nagpakita rin ng talento sa paghulma ng clay para gawin ang Manunggul jar, antas ng lipunan at pagpapahalaga sa mga kababaihan. May gumawa rin ng sinaunang bahay gamit ang popsicle sticks at may nag-puppet show din tungkol sa pagdating ng Islam sa Pilipinas. 

Nagkaroon ng mga patimpalak sa paglikha ng editorial cartoon tungkol sa pagiging huwarang Pilipino at pagbigkas ng tula. May ilan sa aming klase na ginawang kanta ang tula at nilagyan ito ng tugtog para madali itong memoryahin. Nagsayaw kami ng Pinoy Ako sa Culminating Day. 

Naipakita namin sa pagdiriwang na ito ang aming pagkilala at pagpapahalaga sa kulturang Pilipino, lalo na noong sinaunang panahon. Sinubukan at ginawa namin ang lahat ng aming makakaya para maipakita ang aming iba’t ibang kakayahan at talento kaya naman masaya kami at nakayanan naming tapusin ang mga ito.

No comments:

Post a Comment